Heart Evangelista cusses over plight of lantern vendor: “Napipikon talaga ako! Hayop mga manloloko na yan.”

Hindi napigilan ni Heart Evangelista ang mapamura sa Twitter matapos mabalitaan ang tungkol sa isang Christmas lantern vendor na naloko ng kliyente nito.

Sa kanyang Twitter ngayong Biyernes, December 18, naghayag si Heart ng galit sa taong hindi binayaran ang mga parol na in-order nito sa isang Christmas lantern vendor na nagngangalang Kuya Lakay.

Nag-viral sa social media ang litrato ng lantern vendor na mugto ang mata sa luha dahil sa naranasang panloloko sa kanya ng isang buyer.

Ayon kay Kuya Lakay, inabot ng PHP100,000 ang total bill ng buyer na tinakbuhan siya.

“Paano na ako? Baon na naman ako sa utang,” sabi raw ni Kuya Lakay.

Isang netizen sa Facebook ang nag-post ng litrato ni Kuya Lakay noong December 16.

May mga broadsheets at TV network na nag-ulat hinggil sa hinaing ni Kuya Lakay, at nakarating nga rin ito kay Heart.

Tweet ni Heart: “Who ordered?? Nakakainis ha. How to find him??”

Inis na tweet pa ng Kapuso actress: “Napipikon talaga ako! Hayop mga manloloko na yan. Good luck sa inyo.”

HEART ON CUSSING OUT “MGA ABUSADO”

Sa puntong ito, may mga netizen ang nasorpresa na makitang napamura si Heart sa Twitter.

Bihira raw kasing makitang nagbitiw ng masamang salita ang aktres sa publiko.

Hirit ng isang follower ni Heart, “Nagmumura rin pala si Heart.”

Inamin naman ni Heart na may pagkakataong napapamura talaga siya kapag siya ay galit sa mga taong abusado.

Aniya (published as is): “Pag Napikon- sa mga abusado. Pag galit- sa mga walang hiya.

“pag may inaapi na Tao/ helpless na aso.

“It all comes flying out of my mouth for 1 minute lang.”

May nagpadala kay Heart ng Facebook link kung saan puwedeng makipag-ugnayan kay Kuya Lakay.

Sabi ni Heart, “let’s all try to give him a ‘merry’ Xmas.”

UPDATE ON KUYA LAKAY’S LANTERNS

Samantala, umabot sa 200,000 likes at 52,000 comments ang litrato ni Kuya Lakay na ipinost ng Facebook user na nagngangalang Arlene Simon.

Sa kanyang update ngayong araw, December 18, sinabi ni Arlene na pinakyaw ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga pula at puting parol na ibinebenta ni Kuya Lakay.

Mula kasi nang hindi mabili ang kanyang paninda ay ipinagbibili niya iyon ng PHP70 kada isa sa Central Market sa Sta. Cruz, Manila.

Nabalitaan daw ng alkalde ang sitwasyon ni Kuya Lakay kaya ipinahanap agad ito.

May video naman ang netizen na si Arlene kunsaan makikitang isinakay sa isang L300 van ang mga parol na ipinabili ni Mayor Isko sa kanyang staff.

PHOTO/S: ARLENE SIMON FACEBOOK

Tuwang-tuwa ang mga kakilala ni Kuya Lakay sa Central Market, at saka nagpasalamat sa mabilis na aksyon ni Mayor Isko.

PHOTO/S: ARLENE SIMON

Related Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *